Iba na nga ba ang UP Baguio?
By Joel Pinaroc
Sa unang tingin, tila ibang-iba na ang UP Baguio.
Nakabakod na ang paligid, marami nang mga gusali at mas marami nang mga magagagarang sasakyan na nakaparada sa parking lot.
Mas marami na ring estudyante ngayon kesa dati at tila “university” na nga ang dating ng UP Baguio.
“Aesthetically pleasing and very progressive,” sabi nga ng iba.
Para sa isang estudyante na noong 1989 ay minsang nakatapak sa UP Baguio, nakakaaliw lang na isipin na ang dami na palang nangyari’t nagbago.
Hindi pa nga UP Baguio ang tawag sa eskwelahan noon, kung hindi UP College Baguio o UPCB pa.
Noon, parang kilala mo halos lahat nang mga tao na nandun. Hindi lang mga blockmates mo o kaklase, pati na rin yung mga manong at mga manang, mga “ser” at mga “ma’am,” nang mga iba’t ibang departamento.
Para bang sobrang “laidback” o “relaxed” ang atmosphere nang eskwelahan dati.
Syempre nandoon pa rin ang pressure nang pagaaral, pero parang ngayon, mas malaki ang pressure.
Dati, puede kang maglakad sa shaded walk, ngiti ka lang sa mga manong guard, OK ka nang pumasok. Ngayon, doon pa lang sa pwesto ni Manang Mani, hahanapan ka na nang ID.
Noon, kung ubos na ang allowance mo sa STFAP, at wala kang pera, puede kang maging student assistant o di kaya research assistant.
Ngayon, meron nang call center sa tapat mismo nang Sunshine Park.
Hindi naman sa ayaw ko sa pagbabago. Sabi nga nila, “change is inevitable.”
Siguro nga, parang alon ang pagbabago na kailangang sabayan, kung hindi e malamang malunod ka.
At syempre maganda rin naman ang pagbabago.
Makikita mo na tila sumasabay lang ang UP Baguio sa mga pagbabagong nagaganap sa buong Baguio.
May mall na ngayon sa Baguio at marami nang mga dayuhan na mas pinili pang mag-aral at manirahan dito kesa sa kani-kanilang mga lupang tinubuan.
Siguro, ibig sabihin lang nang pagbabago, ay pag-unlad.
At sino naman ang aayaw sa pagunlad? Yun nga lang, lumala ang trapik.
“Signs of the times,” sabi nila.
(Editors note: Joel Pinaroc is a freelance technology writer based in Manila.)






















